"patawarin mo ako... mapaglarong isipan. Mapapatawad mo ba ako? O sadyang nakakalimutan ang mga sulat ko sa 'yo?"
<------000------>
Nagkaroon na naman ng practice kagabi para sa caroling ng ComLec. Akalain mo ba naman, desido mga taong ituloy! Wala akong magawa kundi makisakay sa gusto nila...para naman din sa kapakanan ng grupo naman ang gagawin namin...kahit na kahit konti, magmumukha kaming tanga.
Malamig na naman ang gabi... malungkot ang aking pagkatao pagkagaling kong simbahan. Ang daming nangyari... kahit naman wala. Iba na talaga ang nagagawa ng isang mapaglarong isipan gaya ng utak ko. Kababawan? Siguro nga... pero hindi ko maiwasan maging mababaw.
Mababaw ako... kase nung nagdadasal ako pagkatapos ng kumunyon, naisip ko na naman siya at naiyak ulit ako. Naisip kong hindi na niya ko naiisip... pagod siya lagi at wala nang puwang ang anu mang maiuugnay sa akin sa kanyang isipan bago siya matulog. Iniyakan ko na 'tong kapraningan na 'to ng ilang gabi dati...at hanggang ngayon iniiyakan ko pa rin ngayon. Sinabi ko na sa kanya 'to noon e. Sagot niya:"Anong gusto mong gawin ko?!"
Hindi ko alam ang isasagot ko. Ano nga bang gusto kong gawin niya?
Ang dami kong naisip kagabi. Nakaupo lamang ako sa isang silya sa youth center, habang kumakanta sila ng winter wonder land, pinipigilan ko ang pagtulo ng aking luha. Buti na lang at sinisipon ako, hindi nila nahalata...pero gusto ko nang sumabog! Pagod na 'kong maging malungkot... pagod na pagod na 'ko.
Ano nga bang gusto kong gawin niya? Hindi ko alam... sana magbalik na ang dating siya, kahit na alam kong habang buhay na yun nawala. Sana bumalik ang mga umaga, tanghali at gabing nangungulit siya sa telepono. Ang sarap pakinggan ng mga sinasabi niya lagi...parang imposible matapos ang lahat.
Pero ngayon, pagkatapos ng mga malulungkot na pangyayari, akala ko lumipas na ang kalungkutan ko. Napatawad ko na siya, pero hindi na yata mawawala lahat ng takot sa akin. Isang taon pa siguro bago mawala 'tong kapraningan ko.
Lagi akong nagtatanong kung bakit lahat ng mga mahal ko sa buhay ay malayo sa akin ngayon... siya, sila mommy... mga kaibigan ko sa LB... ang dami kong hinagpis...pero lahat ng nangyayari ngayon ay kagustuhan ko rin. Pinili kong subukang isalba ang aming relasyon, at isinakripisyo ko ang pag-aaral ko sa LB, para lang makasama ko siya. Akala ko kase, ang lahat ng bagay ay gaya lang ng dati... na parang hindi na matatapos ang lahat.
Hindi ko naisip na nagbago na siya. Alam kong nagbago na siya, pero hindi ko lang inisip ng mabuti. Alam kong kaya na niyang mabuhay ng wala ako. Tinanong ko siya kung anong gagawin niya kapag nangyari 'yon. Ang dati niyang sagot: "hindi yan..." Nakakatuwa... napaka positibo mag-isip.Pero ngayon, ang sagot niya:"Masakit sa 'kin, pero kakayanin ko..." Ang sakit diba? Ang hirap palang tanggapin ng mga pagbabago.
Bakit ko iniisip ang mga 'to? Bakit ko pinahihirapan ang sarili ko?
Dahil 'di tulad niya, kahit na pagod na pagod na ako pagsapit ng gabi, siya pa rin ang naiisip ko bago ako makatulog. Araw araw, umaga, tanghali, at gabi, tumitingin ako sa aking cell phone, nagbabakasakaling may mensaheng manggagaling sa kanya...kahit na alam kong matagal na niya 'yong hindi ginagawa.Dahil 'di tulad niya, maraming lugar, salita at bagay dito sa Pilipinas na nakapagpapaalala sa akin tungkol sa kanya.
Bakit ko ba pinahihirapan sarili ko? Kung sinasabi mong sagad na sa buto ang kababawan ko...marahil nga.
Paano ko maiibsan ang aking matinding pangungulila na 'di naman nasusuklian?